Lunes, Setyembre 17, 2012

Juan 3:16

Mahilig ka bang magbasa ng Bibliya? Ako kase, hindi naman. Ngunit dati... OO. Alam kong nakakagulat, at iilan lang sa mundong ito nag mahilig magbasa ng sagradong aklat na ito, pero iba ang naitutulong nito sa mga tao, tila ba araw-araw ay daig mo pa ang nanalo sa loto, bukod sa nakakagaan na ng pakiramdam ay nakakalutas pa ng mga problema. Siguro'y nagtaka kayo kung bakit "dati" lang. Sabihin nalang natin na isa kong Kristiyanong matigas ang ulo. Well anyways, kahit na nagbago ako, nais ko lamang ibahagi ang paborito kong Bible verse na kahit kailan ay hinding hindi ko malilimutan. Isa itong pangako, pangakong mula sa Panginoon, ang pangakong alam kong kailan man ay hinding-hindi mababali at sa kabila ng lahat ng nangyari sa aking buhay, naniniwala parin akong hinding-hindi Niya ako pababayaan. Hindi pa naman huli ang lahat para humingi ng kapatawaran.


“Sapagkat gayon na lamang ang pagsinta ng Diyos sa sanglibutan, na ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak, upang ang sinomang sa Kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan”. Juan 3:16


Isang  napakagandang mensahe mula sa bibliya kung saan isinakripisyo ng Panginoon ang Kanyang Anak dahil lamang sa pagmamahal Niya sa atin. Hindi Niya ginawa ito upang ipamukha sa buong mundo ang ating mga kasalanan, ginawa ito ng Panginoon upang magkaroon pa tayo ng pagkakataon na magbago at makapiling Siya sa kabilang buhay.Pinababa mula sa langit si Hesu Kristo, upang iligtas ang mundo sa pagkakalunod nito sa kasalanan. Ibinigay Niya ang Kanyang nagiisang Anak, sapagkat ayaw Niyang magdusa tayo at masira.


Ang pagtanggap kay Hesu Kristo bilang sariling tagapagligtas ay ang nag-iisang paraan upang makamit natin ang buhay na walang hanggan. Paano kaya kung hindi natin kilalanin ito? Dun na pumapasaok ang kamatayan. Lahat tayo ay mamamatay ngunit ang ating espirito ay hihiwalay sa ating katawan. Kung ito ay sa langit mapupunta, buhay na walang hanggan ang ating mararanasan kapiling ang Maykapal, ngunit kung sa impyerno, walang hanggang kamatayan ang sasalubong sa atin. Ang ating kaluluwa ay masusunog sa nagbabagang apoy, hirap at sakit lamang ang ating madarama, walang pahinga ang bawat pagod at walang paghilom ang bawat sugat. Huli na ang lahat upang magsisi.

Bilang tao, na Kanyang iniligtas kailangan natin magpakabuti dito sa lupa. Maging maka-Diyos at kalimutan ang kasamaan na dala ng pagbabago ng mundo. Umiwas tayo sa mga taong ayaw maniwala sa Kanya. Gamitin natin ang ating dila sa pagsasabi lamang ng magagandang salita sapagkat ayon din sa bibliya, ang dila ay tunay na nakalalason kung gagamitin sa kasamaan. Maging mapagmahal sa kapwa sapagkat sa pamamagitan nito, naipapakita rin ang pagmamahal natin sa Diyos. Maging makatarungan at matapat. Huwag natin isipin na ang problema ay problema, ilagay natin sa ating isipan na ito ay biyaya at dapat tayong magalak sapagkat mahal tayo ng Panginoon at gusto Niyang tayo ay mas mahubog pa ng mas naaayon sa Kanya. Ang lahat ng ating kasiyahan at tagumapay ay ialay natin sa Kanya. 

Paano nga ba tayo maliligtas at paano nga ba natin makakapiling ang Diyos? Simple lang naman, pagsisishan natin ang ating mga kasalanan, manampalataya sa Kanya at tanggapin sa ating sarili na walang ibang magliligtas sa atin kundi si Hesu Kristo. Huwag natin kalimutan ang araw ng Linggo, pumunta tayo sa simbahan upang sa Kanya’y sumamba. Pag-aralan ang Kanyang salita at isabuhay ito. Ibahagi ang ating mga nalalaman at tumulong sa pagpapalago ng Kristyanismo sa buong mundo. Ang Diyos ang daan, ang katotohanan at ang buhay, mabuhay tayo ng may pananampalataya.


 


kimiefynelah



0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento