"Gusto ko lang makausap siya ulit para magkaroon na kami ng closure... Tapos mananahimik na ko... "
Ito ang kadalasan kong naririnig sa mga taong hiwalay na pero parang hindi pa sigurado sa estado ng ending ng love story nila. Bakit ba kailangan ng relationship closure? Bakit kailangan pag-usapan ang mga bagay na tapos na? Paano ba ito makatutulong sa isang tao? Ano ba ang kahalagahan nito at paano ito makapagpapaunlad ng ekonomiya ng Pilipinas?
Bago lumalim ang usapan, ano muna ang RELATIONSHIP CLOSURE? Ayon sa aking nakalap na impormasyon, ito ay komunikasyon na kailangan ng malalim na pang-unawa, matapat na dila at hindi mapanghusgang isipan. Nangyayari ito o sabihin na nating dapat na maganap kung ang relasyon mo sa iyong dating kasintahan (pwede ring ex-friend, ex-wife, ex-husband at kung ano-ano pang ex) ay nagtapos ng walang linaw, yung meron kang pagtataka sa iyong puso kung paano at bakit nabalewala ang lahat.
Ngayon, kapag nakarinig tayo ng taong kailangan ng relationship closure, wag natin isipan agad ang ganito, "echos niya, umaasa lang yan na magakabalikan sila". Mali yun! Let's give them the benefit of the doubt dahil pagbali-baliktarin man natin ang mundo, marami rin naitutulong ang relationship closure.
Isang kahalagahan ng relationship closure ay magkakaroon na ng sagot ang mga katanungan mo na inipon simula pa nung araw na naghiwalay kayo. Itanong mo lahat sa kanya, pigain mo siya para malaman lahat ng gusto mong malaman. Wag ka nang magtira pa at wag ka nang mahiya pa magtanong kung bakit kayo naghiwalay, o ano bang mali sayo, o sino ba ang may mali. Dahil sa closure, masasagot niya lahat iyan, vise versa din.
Isa pang kahalagahan ng closure ay ang pagkakaroon ng improvement. Kapag napag usapan niyo ng ex-lover mo ang dahilan ng paghihiwalay niyo, malalaman mo kung saan ka nagkamali, kung ano yung mga bagay na ginawa mo na hindi niya nagustuhan. Siyempre malalaman mo rin kung anong mali sa kanya, at for the win, hindi ka na ulit maghahanap pa ng taong may utak na kasing kitid ng sa kanya. Mapapansin mo na hindi mo pala gusto na hindi ka niya naiintindahan sa mga dahilan mo, o hindi ka pala niya tanggap kung ano ka, kaya mag-iimprove ang criteria mo sa pagpili ng bagong mamahalin.
Dahil sa closure, makapaghahanda ka. Ngayong alam mo na kung anong mga dapat mong baguhin, hindi naman magiging madali ang lahat. May mga ugali na mahirap tanggalin lalo na't nakasanayan na, tulad ng pagiging possesive, o babaero, lalakero, sinungaling... mga bagay na mahirap alisin at nagiging dahilan ng hiwalayan. Kailangan ng matagal na proseso at siguraduhin na kayang baguhin, o nabago na bago magkaroon ng bagong relasyon. Mas handa, mas okay.
Nakakatulong din ang closure sa mas maluwag na paghinga at masarap na pagtulog. Habang nasa closure situation, sabihin mo na ang mga nais mong sabihin dahil iyon na ang tamang panahon. Isigaw mo sa pagmumuka niya na matapos ang paghihiwalay niyo ay nangayayat ka at nagunaw ang buong mundo mo. Ilabas mo ang poot na araw-araw mong kinikimkim at gabi-gabi mong iniiyak at ginagawang pampatulog. Sa ganoong paraan, matatanggal mo sa iyong dibdib ang lahat ng galit at gagaan ang iyong pakiramdam.
May mabubuong bagong relasyon, ang friendship. Hindi madali ito at ito ang pinakamahirap sa lahat. Sabi nga nila, madali ang friends to lovers pero ang lovers to friends, malabo raw. Ang relationship closure ay isang magandang paraan upang mabali ang kasabihang 'yan. Once na natapos na kayong magkasakitan ng salita at magkalinawan ng dahilan, matutunan niyo rin tanggapin ang lahat, wala narin naman kayong ibang choice, ngunit ang kinagandahan nito, nag-usap kayo, naging malinaw ang lahat, at marerealize niyo na sa isang relasyong nasira, hindi lang siya o ikaw ang nagkamali, kundi pareho kayo. May pareho kayong isisisi sa isa't-isa at para sa kanya-kanya niyong utak, reasonable ang kanya-kanya niyong isinusumbat.
Marami talagang naitutulong ang relationship closure ngunit hindi ito minamadali, may mga taong ayaw muna nito dahil hindi pa raw sila handang makipag-usap sa dating ka-relasyon, meron din namang taong ito nalang ang hinihintay para makapag move-on. Lagi lang natin tatandaan na kahit gaano man kasakit ang lahat kailangan natin itong mas harapin dahil sa ganoong paraan tayo mas gagaling. Masakit talaga pag ginagamot ang sugat. Pagkatapos ng isang relasyon, malalim man o mababaw, matagal man o panandalian lamang, magandang may pag-uunawaan kung bakit nangyari ang lahat dahil kahit paano mayroon din naman kayong pinagsamahan.
Kapag nais mo ng relationship closure, siguraduhin na para sa ikabubuti mo ang dahilan, hindi para mag-emo ka ulit. Sa isang closure tibay ng sikmura, kapal ng mukha, at lakas ng loob ang kailangan. Isipin mong ito ang susi sa bago at magandang umaga para sa pag bubukas muli ng iyong puso sa bagong pag-ibig. Ito ang lunas sa emosyon mong may stage 4 na cancer. Ito ang isa sa paraan upang maunawaan mo na ang mundo ay punung-puno ng pag-aaral, hindi lamang sa akademya ngunit pati sa pag-ibig. Ang relationship closure ay malaking tulong para sa pagtawid mo sa panibagong buhay pag-ibig. Hindi madali pero kakayanin mo.
Ngayon, para sa tanong na ano ang maitutulong ng relationship closure sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa... Wait lang, iisipin ko pa.
kimiefynelah